Pages

Tuesday, November 5, 2013

Ang Pagtitiis ng mga Hinirang Hanggang sa Wakas

Kahapon ay may nagtanong sa akin kung ano ang pananaw ko ukol sa kaligtasan lalo na yong may kinalaman sa aral na "Once Saved, Always Saved" (OSAS). Natuwa ako sa katanungan at ito ay nagpaalala sa akin sa lesson na ginawa ko base sa Westminster Confession of Faith.

---0---0---0---

Ang araling ito ay tumutukoy sa pagtitiis ng mga hinirang hanggang sa wakas. Ilan sa mga kaisipan na ating sasaklawin sa araling ito ay may kinalaman sa buod ng katuruang ito, mga batayan ng pagtitiis, pasubali ng karanasan, at ang tunay na turo ng Biblia ukol sa “pagtalikod”.

Buod ng Katuruan

Ang mga tinawag at binabanal ng Diyos ay hindi maaaring ganap na mahulog palayo o tumalikod sa biyaya ng Diyos. Sa halip, sila ay tiyak na magtitiis hanggang sa wakas at maliligtas (Jeremias 32:40; Juan 3:36; 5:24; 10:28; Filipos 1:6; 1 Pedro 1:5; 1 Juan 2;19). 

Ang pagtitiis ng mga hinirang hanggang sa wakas ay hindi nangangahulugan na ang kaligtasan ay tiyak dulot ng “minsan” kundi ng “tunay” na pagsampalataya. Hindi nito itinuturo na hindi na kinakailangang magsikap. Sa halip, ang pagsisikap ay patunay na “ang Diyos ang nagbibigay ng pagnanasa at kakayanang maisagawa ang kaniyang kalooban” (Filipos 2:13). 

Ang pagtitiis ng mga hinirang ay nagpapakita na ang tunay na larawan ng buhay Cristiano ay hindi isang “palaruan” kundi isang “digmaan”. Isang pandaraya ng kaaway na isipin na ang buhay ay magiging simple at madali sa oras na ang isang tao ay magbalik-loob sa Diyos lalot higit sa pagharap sa mga suliranin at pagsubok ng buhay. Ang buhay Cristiano ay isang digmaan sa pasimula hanggang sa huli. (Mga Awit 38:9, 10, 12, 16, 17; Mateo 24:13). 

Batayan ng Pagtitiis

Ang pagtitiis ng mga hinirang ay nakabatay sa mga sumusunod:

  • Sa plano ng Diyos para sa mga hinirang udyok ng hindi nagbabagong pag-ibig ng Diyos

  • Sa bisa ng katuwiran at pamamagitan ni Jesus

  • Sa pananatili ng Espiritu at ng binhi ng Diyos, at

  • Sa pagtustos na laan sa tipan ng biyaya

Pasubali ng Karanasan

Subalit, para bagang pinasusubalian ng ating karanasan ang aral na ito ng Banal na Kasulatan. Dito masusubok natin kung ano ang mas higit na matimbang sa ating paniniwala. Ang atin bang paniniwala ay nakasalig sa karanasan o sa Banal na Kasulatan?

Itinuturo ng 1 Juan 2:19 na maaaring magkaroon ng tinatawag na huwad na pananampalataya o paglilingkod. Ang ganap na paglisan ng mga dating nagsipaglingkod ay tiyak na palatandaan na sila ay nagkaroon lamang ng anyo ng pananampalataya at hindi kabilang sa mga hinirang.

Uri ng “Pagtalikod” na Itinuturo ng Biblia

Ang uri ng “pagtalikod” sa pananampalataya na itinuturo ng Biblia ay ang pagkahulog ng mga mananampalataya sa isang kalunus-lunos na kasalanan at sa loob ng ilang panahon ay maaaring manatili sila sa ganiitong kalagayan. Ang katuruang ito ay hindi kumukunsiti upang magkasala. Sa halip, ito ay nagsisilbing seryosong babala laban sa “pakikipaglaro” sa kasalanan. Layunin ng aral na ito na alisin ang huwad na kaseguruhan.

Ang pagkahulog ng mga hinirang sa kalunus-lunos na kasalanan ay bunga ng mga sumusunod:

  • Tukso ng Diablo at ng sanlibutan (1 Juan 2:15; Marcos 1:13; Mateo 26: 70, 72, 74).

  • Pananatili ng kabulukan sa ating mga laman (Santiago 1:13-14), at

  • Pagpapabaya sa paggamit ng mga kasangkapan upang mapangalagaan ang ating mga sarili (Hebreo 10: 24-25). 

Ang pagkahulog sa kasalanan ng isang mananampalataya ay magbubunga nga mga sumusunod:

  • Pagdalamhati sa Diyos (2 Samuel 11:27).

  • Paglapastangan sa Diyos (2 Samuel 12:14)

  • Pagkawala ng katiyakan at kaaliwan (Awit 51:8,10,12)

  • Pagtigas ng puso at sugat sa budhi (Awit 32:3-4).

  • Sakit ng damdamin sa kapwa, at

  • Hatol sa sarili

Bunga ng kaseryosohan ng aral, hindi ito maaaring gamitin para sa huwad na katiyakan ng kaligtasan. Ang pagwawalang bahala sa seryosong babalang ito ay maaaring magdulot ng matinding dalamhati hindi lamang sa Diyos kundi sa mananampalataya mismo, sa kaniyang mga mahal sa buhay, mga kaibigan, at mga kakilala. Ito ay maaaring magdulot ng malaking kahihiyan. Ang tamang tugon sa aral na ito ay maglalayo sa isang mananampalataya sa hindi kinakailangang pagdadalamhati at sa halip ay buhay na tiwasay at payapa. Sa bandang huli, ang tamang pagkaunawa sa aral na ito ay nagbibigay ng katiyakan na ang Diyos ang may hawak ng ating kaligtasan. 

Mga Gabay na Katanungan

1. Ang "minsan" bang pagsampalataya ay garantiya ng katiyakan ng kaligtasan? Inaalis ba nito ang pangangailangan ng pagsisikap na maisagawa ang kalooban ng Diyos?

2. Tama bang isipin na tapos na ang lahat ng mga suliranin ng isang taong nagbalik-loob sa Diyos? Ipaliwanag.

3. Saan nakabatay ang katiyakan na ang mga tunay na mananampalataya ay magtitiis hanggang wakas? Paano mo ipaliliwanag ang pasubali ng karanasan na hindi lahat ng "nagsisampalataya" ay nagtitiis hanggang wakas?

4. Ayon sa Banal na Kasulatan, anu-ano ang mga sanhi ng "pagtalikod" o pagkahulog ng mga mananampalataya sa isang kalunus-lunos na kasalanan?

5. Anu-ano ang mga resulta ng pagkahulog sa kasalanan ng isang mananampalataya? 

No comments:

Post a Comment